ShopDreamUp AI ArtDreamUp
Deviation Actions
Literature Text
I
ano nga ba yaong tama at mali?
kung iyong alam ba natin ay hindi napili,
sapilitang aspektong minanang pag-uugali
iba't ibang bersyon, salitang tagpi-tagpi..
II
isang tanghaliang tapat duon sa kusina
may kusang lahok sa pansit na ginisa,
malalasang putahe alay sa mga bisita
kapalit ng dighay sa inamag na meryenda..
III
ang mais na giniling sa awit ng bituin
maseselang bahagharing huwag sanang umagahin,
pagdadalawang isip sa minabuting hangarin
sukat at tindig ng lirang dukhain..
IV
ang sulat sa librong may malalaswang tinta
dayuhang patanong sa musikang ipininta,
mga pagbabakasakaling tanggap na ng iba
sa kwadernong kulungan duon pa inihabla..
V
ang pagtitinginang nauwi sa pustahan
naligaw ng landas sa iskinitang laglagan,
labinlimang papel pinagpag sa labahan
mapuputlang mga hugis tila naghihiyawan..
VI
at ang nagpresinta sa ibig ng habag
huwag sanang kalikutin musmusin pang layag,
sa ihip ng hangin ng amihang mapanatag
ekis na sinsil sagot sa banderang inilatag..
VII
kaya't huwag sanang mangamba at luha ay itila
init ng damdamin dumadaing ng eskrima,
darating din may isang araw na dakila
matutong hintayin at buhayin ang diwa..
VIII
itong tagong dunong laman ay alipusta
puwing sa paningin ng duling na mga mata,
antiparang itim inihaharang sa lupa
matapilok ng malalim ay daplis lamang sa tenga..
IX
ang pagbubulagan sa binging katahimikan
balikong singkapatin sa mabatong daraanan,
umiiwas sa dilim ng malinis na lansangan
nagdeliryong dasalin lingid sa katotohanan..
X
at anong aba nga ba ang hindi tumutugma?
sa sampung mga akdang sa mga pahinang hiniwa,
ang matakot sa talim ng dilang konsensya
ating respetuhin at huwag sanang agad ay manghusga...
—cæle, v.10082014
© 2014 - 2024 alfaghor
Comments0
Join the community to add your comment. Already a deviant? Log In